Modelong Mamamahayag: Tagasulong ng Etikal na Dyornalismo

PAMAMAHAYAG ANG SUSI. Si Bb. Patricia Moreto bilang panauhing pandangal sa ginanap na Mini Press Conference sa Assumption Academy Inc., Tanauan, Leyte, Huwebes, ika-13 ng Nobyembre. Kuha ni JARF GUIDE RAAGAS.

“Social Media is not just a powerful mirror, but a powerful tool to tell the truth not to convince.”

Binanggit niya ang katagang ito bilang paglalarawan sa sarili bilang isang content creator sa loob ng anim na taon. Bilang isang content creator, hindi niya layunin na kumbinsihin ang mga manonood at mambabasa, kundi maipahayag ang katotohanan.

Hindi lamang siya isang content creator sa loob ng mahabang panahon, kundi isa rin siyang kilalang beauty queen sa kanyang rehiyon. Noong 2023, siya ay ginawaran bilang Pasaka Queen sa Lungsod ng Tanauan, Leyte, isang karangalang sumasalamin sa kanyang pagmamahal at pagpapahalaga sa lungsod na kanyang pinagmulan. Higit pa riyan, boluntaryo rin siyang lumahok bilang kandidata sa Miss Leyte, Philippines 2023, na kumakatawan sa Rehiyon 8. Patunay ng kanyang tapang at dedikasyon sa pagpapakita ng kagandahan at talento hindi lamang sa lokal, kundi sa mas malawak na entablado.

“Ang tunay na tagumpay ng mamamahayag ay hindi nasusukat sa dami ng tagasubaybay, kundi sa lawak ng kabutihang naibabahagi sa lipunan.”

Bilang isang beauty queen, hindi naging madali para sa kanya ang kanyang paglalakbay dahil nakatanggap siya ng mga negatibong komento mula sa mga netizens. Ngunit sa halip na bigyan ito ng labis na pansin, ginamit niya ang mga puna bilang motibasyon upang ipagpatuloy ang kanyang mga pangarap sa buhay.

Ibinahagi niya ang kanyang pagiging journalist sa edad na labing-isang taon. Ang pagsali sa larangang ito ang nagbigay sa kanya ng motibasyon at pagkakataon na maging isang content creator. Ang binibini ay hindi lamang kilala sa kanyang kagandahan, kundi sa pagiging mayaman din sa mabubuting asal at ugali, na ipinamalas sa kanya ng kanyang mga magulang. Inamin niya na siya ay isang ambisyosong tao at pinalaki ng mga istriktong magulang.

Hindi lamang sa mundo ng social media nakilala si Ms. Patricia. Siya rin ay isang advocate para sa culture-tourism preservation, at tagapagtatag ng Project Pag Tan-Aw, isang inisyatibang naglalayong palakasin ang pagpapahalaga sa lokal na kultura at turismo ng Leyte.

Kabilang din sa kaniyang mga natamong karangalan ang mga titulo tulad ng Miss BizRed 2023, Miss Tanauan Pasaka 2023, Miss Universe Philippines–Leyte 2023, at 1st Runner-up, Miss Pintados 2025, kung saan siya rin ang kakatawan sa Leyte sa Miss Pintados 2026.Sa kaniyang talumpati, ibinahagi ni Ms. Patricia ang kahalagahan ng paggamit ng media bilang daluyan ng katotohanan at kabutihan.

Hinimok niya ang mga kabataang mamamahayag na maging mapanuri, responsable, at makabuluhan sa pagbabalita, “Ang tunay na tagumpay ng mamamahayag ay hindi nasusukat sa dami ng tagasubaybay, kundi sa lawak ng kabutihang naibabahagi sa lipunan,” aniya.

Ang kanyang mensahe ay nagsilbing inspirasyon sa mga kabataang delegado ng DSPC, na naghangad ding maging boses ng katotohanan at pagbabago sa kani-kanilang paaralan at komunidad.

Sa pagtatapos ng programa, isang mainit na palakpakan ang ibinigay kay Ms. Patricia, isang patunay ng paghanga at pasasalamat sa kanyang dedikasyon at pagiging huwaran ng kabataang Pilipino.

Mag-iwan ng Tugon

Designed with WordPress