Baha: Isang Suliraning Dapat Tugunan

Guhit ni GRACE STEFIE MAE A. MATEO.

Isa sa mga malalaking suliraning kinakaharap ng ating bansa ay ang pagbaha. Taun-taon, maraming mamamayan ang naaapektuhan nito, nasisira ang mga ari-arian, napipinsala ang kabuhayan, at nalalagay sa panganib ang buhay ng tao. Malaki ang epekto ng baha sa lipunan sapagkat nagdudulot ito ng kahirapan at kakulangan sa produksiyon, lalo na sa mga lugar na umaasa sa agrikultura. Higit na nanganganib ang mga nakatira sa tabi ng ilog at sa mga mabababang lugar, sapagkat sila ang unang naaapektuhan tuwing may malakas na pag-ulan o pag-apaw ng tubig. Ang pagbaha ay hindi lamang suliraning pangkalikasan, kundi isang isyu rin ng kahandaan at kapabayaan na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan at ng bawat mamamayan.

Para sa akin, ang baha ay isang malaking kalamidad. Higit sa ito’y nakababahala sapagkat kumikitil ito ng buhay, matanda o bata man, ito rin ay salamin ng hindi makatarungang pamamalakad ng mga tao sa lipunan. Bagamat hindi ganap na mapipigilan ang baha, mahalaga ang pagkakaroon ng mga hakbang upang mapangalagaan ang buhay at ari-arian ng mga tao.

Hindi lamang buhay at ari-arian ang apektado, nagdudulot din ang baha ng iba’t ibang sakit tulad ng leptospirosis at impeksyon sa balat. Ang mga sakit na ito ay maaaring maging sanhi ng kamatayan, at kung ang isang tao ay mahawaan, maaari rin niyang mahawaan ang kanyang pamilya at komunidad.

Bukod dito, nakasisira rin ang baha sa kabuhayan, lalo na ng mga magsasaka. Nasisira ang kanilang mga taniman, bumababa ang produksyon, at tumataas ang presyo ng pangunahing bilihin. Dahil dito, nagkakaroon ng kakulangan sa pagkain at paghihirap ang mga mamamayan, lalo na kung ang pangunahing tagasuporta ng pamilya ay nawalan ng trabaho dahil sa pinsalang dulot ng baha.

Sa kabuuan, ang baha ay may malaking epekto sa lipunan, ekonomiya, at kabuhayan. Kinakailangan ang agarang solusyon upang matulungan ang mga apektado at maiwasan ang paulit-ulit na paghihirap. Isa sa mga epektibong hakbang ay ang pagpapatayo ng flood control at iba pang pasilidad na makakaiwas sa pagbaha, upang mabawasan ang panganib ng sakit, pagkamatay, at pagkasira ng mga ari-arian.

Leave a Reply

Designed with WordPress

Discover more from DSPC DIWA

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading